Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa nawawalang 14-anyos na dalagita nang matagpuan siya na wala nang buhay sa ilog sa Tinambac, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Alexa Moyo, na nakita ang bangkay sa ilog ng Barangay Olag sa nabanggit na bayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagpunta sa ilog si Alexa kasama ang dalawa niyang kapatid noong tanghali ng Biyernes.

Pero dakong 4:00 p.m., bigla na lang nawala si Alexa at hindi na nakita ng kaniyang mga kapatid.

Kaagad na umuwi ang magkapatid at ipinagbigay-alam sa kanilang mga magulang ang pagkawala ng Alexa.

Mabilis naman umanong rumesponde ang mga awtoridad pero kinabukasan na nang makita ang bangkay ng dalagita na nakalutang sa ilog.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kung aksidenteng nalunod si Alexa  o kung may naganap na foul play.

Isasailalim din sa awtopsiya ang mga labi ni Alexa.-- FRJ, GMA News