Nakunan ng video ang ilang insidente ng pagsusuntukan ng ilang kabataan sa kalsada sa Zamboanga City. Ang isang nakipagsuntukan, iniuntog sa semento ang ulo ng kalaban hanggang sa mawalan ng malay.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang isang video ng mano-manong suntukan ng dalawang lalaki kahit tirik ang araw sa nasabing lungsod.
Sa naturang video na kumalat na rin sa social media, makikita na maraming tao sa paligid ng dalawang naglalaban nang walang proteksyon sa katawan.
May iba pang suntukan na nakunan ng video pati na ang ginawang paghampas sa semento ng isang lalaki sa ulo ng kaniyang kalaban na nawalan ng malay.
Ang isang pares naman ng nagsuntukan, nagkamay muna bago nagsalpukan na parang matira ang matibay.
Nakunan din ang video ang salpukan ng dalawang lalaki na nakauniporme pa ng eskwelahan. Makikita sa video ang iba pang estudyante na nagmistulang mga miron at tila nangangantiyaw pa.
Ayon sa Zamboanga City Police Office, iniimbestigahan na nila ang mga kaguluhang nakunan ng video para matukoy kung sino ang mga sangkot at kailan nangyari ang mga gulong na-huli cam.
"I instructed them to conduct investigation on that incident para malaman natin kung kailan nangyari 'yun. Is it recent or was it a few years ago o kailan ba siya, and more or less makilala natin sino involved," sabi ni Police Senior Inspector Shelamie Chang, tagapagsalita, Zamboanga City Police Office.
Mga out of school youth daw ang ilan sa mga sangkot pero aalamin din nila ang pagkakakilanlan ng mga estudyanteng nakunan ding nanonood sa suntukan.
Hinikayat din ng pulisya ang publiko na huwag nang manghikayat pa ng mga katulad na sakitan.-- FRJ, GMA News
