Dahil sa hindi umano pagkakasundo sa ibabayad sa kinuhang babae na nagbibigay ng panandaliang aliw, isang lalaki na sinasabing bugaw ang napatay sa saksak ng lalaki na kaniyang katransaksyon sa Cagayan De Oro City.

Sa ulat ni Clyde Macascas ng Regional TV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV ng isang inn sa Barangay 7 ng nasabing lungsod ang pagtatalo ng suspek na si Alvin Francisco, at umano'y bugaw na si Alyas Akki.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nauna umanong napagkasunduan ng dalawa na P500 ang dapat na ibayad ni Francisco sa kukuning babae ni Akki upang magbigay ng panandaliang aliw.

Pero P250 lang umano ang ibinabayad ni Francisco na dahilan para magalit si Akki at sinipa ang suspek na muntik nang mahulog sa hagdanan.

Bumunot naman ng patalim ang suspek at doon na inundayan ng saksak at napatay ang biktima.

Bago tumakas, kinuha pa umano ni Francisco ang ibinayad sa nirentahang kuwarto sa inn.

Tinangka ni Francisco na tumakas pero kinuyog siya ng taumbayan hanggang sa ipaaresto sa pulisya.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa reklamong homicide.-- FRJ, GMA News