Isang 3rd year college student na pauwi na mula sa paaralan ang nasawi matapos siyang saksakin sa leeg ng holdaper nang hindi niya ibigay ang kaniyang cellphone at laptop habang nakasabit sa sinasakyang jeep sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni RGil Relator ng RTV One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Joshram Maula, na nadala pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na puno na ang jeep na sasakyan ni Maula kaya nagpasya itong sumabit na lang, at sinundan siya ng apat na suspek na sumabit din.

Pero pagsapit nila sa Barangay Nazareth, doon na umano pilit na kinukuha ng mga suspek ang gamit ng biktima. At nang hindi niya ibigay ang kaniyang cellphone at laptop, sinaksak siya sa pagitan ng leeg at balikat.

Tumakas ang mga salarin nang hindi nakukuha ang gamit ng biktima.

Ayon kay Senior Police 3 Glenn Pallugna, investigator police station 9, posibleng sinundan ng mga salarin ang biktima kaya sinabayan siya nang sumabit sa jeep.

Mayroon na umanong impormasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga hinahanap na suspek.-- FRJ, GMA News