Isang 17-anyos na lalaki ang nasawi matapos siyang masaksak sa leeg nang umawat umano sa nangyayaring kaguluhan sa Regada Festival sa Cavite.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kung kailan malapit nang matapos ang programa nitong Miyerkoles.
Ayon sa pulisya, may posibilidad na umawat lang sa gulo ang biktima na nagsimula sa banggaan o sagian dahil sa dami ng tao.
“Hindi natin alam kung anong purpose niya, kung tumulong, awatin o makipagsuntukan din… Magkatabi lang ang tent nila, du’n nagsimula. Magkakilala na rin sila. Nagkasagian tapos nagkaayos naman uli pero for some other reason parang na ignite ‘yung sagian few hours earlier,” ayon kay Police Colonel Socrates Jica, hepe ng Cavite City Police.
Ayon sa saksi, nakatakbo pa ang biktima ng ilang metro bago bumagsak.
Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong saksak sa leeg at may tinamaan na ugat.
Hindi pa batid ng pulisya kung anong patalim ang ginamit sa pananaksak sa biktima, na maaari din umanong susi.
Kasunod ng insidente, isang 34-anyos na suspek ang inaresto, na sinasabing nakasagutan ng tiyuhin ng biktima.
“Wala po akong alam sa nangyari na ‘yun. Pinagtulungan lang po nila ako. ‘Yung nangyari po sa tatay, hindi ko po alam ‘yun, wala po akong alam,” giit ng suspek.
Samantala, patuloy na hinahanap ang suspek na mismong sumaksak sa biktima.
“Nakausap natin 'yung mga magulang pati 'yung asawa niya, subalit hindi na po natin naabutan doon 'yung tao at hindi na rin po makontak ng mga magulang niya… Ito po ay may trabaho sabi ng ating isang witness, minsan nagko-construction at isa rin po itong tattoo artist,” ayon kay Jaca. – FRJ GMA News
