Lumabas sa mga paunang mga ulat na bullying umano ang motibo sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban, bagay na sinabi rin ng suspek. Ano nga ba ang mga gawain na maituturing na pambu-bully, at ano ang mga palatandaan na nabu-bully ang isang bata? Alamin.

"Sinasabi po nila, 'yung isa raw po ay pinagtatawanan 'yung haircut niya. The other one ay siguro dahil maliit siya, pero unconfirmed po ito. Sa kanila lang po nanggaling ito," sabi ni Police Colonel Allen Rae Co, Philippine National Police Information Chief and spokesperson.

Batay sa Republic Act 10627 o Anti-Bullying Act of 2013, tumutukoy ang bullying sa paulit-ulit na paggawa ng isang estudyante ng anumang bagay, pisikal man, verbal o electronic na nagdadala ng physical o emotional harm sa kapwa niya estudyante.

Kasama rito ang anumang “unwanted physical act” sa pagitan ng bully at ng biktima nito gaya ng panununtok, panunulak, paninipa at iba pa.

Kasama pa sa mga porma ng bullying ang mga “slanderous statement,” at paulit-ulit na pagbibigay ng negatibong komento tungkol sa hitsura, pananamit o katawan ng biktima.

Maikokonsidera ring bullying ang anumang paulit-ulit na ginagawa ng isang bully na nagdudulot ng damage sa “psyche and/or emotional well-being” ng isang biktima.

Kasama din sa bullying na saklaw ng Anti-Bullying Act of 2013 ang cyber-bullying.

Nilinaw ng clinical psychologist na si Raffy Inocencio, head ng Clinical Psychology ng Psychological Association of the Philippines, na iba ang karaniwang “away-bata” sa bullying.

“Kailangan intindihin natin na hindi lahat ng away-bata ay bullying. Ang bullying kasi is merong isang pattern na ginagawa at ang goal ng pattern na ‘yun is for the bully, ‘yung nambu-bully, is magkaroon siya ng expression of power. Ibig sabihin, kaya kong… Ang goal noon is para mapakita ko na meron akong power over this other person,” sabi ni Inocencio.

Ilan sa mga senyales o warning sign na nabu-bully ang isang bata ang biglaang pagbabago sa kilos o behavior ng isang bata.

“So like any kind of situation that causes distress or parang mga problema sa buhay ng mga bata, ang unang nagiging sign that maybe parents might want to look out for is unang-una, ang tinatawag natin 'yung sudden changes in their behaviors or routines,” sabi ni Inocencio.

“Kunwari, usually, ang anak ninyo ay pag-uwi from school, very willing na magkuwento or excited na magkuwento, and then all of a sudden, uuwi siya na medyo hindi maganda. Alam niyo 'yon, alam ng magulang na iba 'yung dating ng anak nila pag-uwi,” paliwanag pa niya.

Kasama rin sa behavioral signs ang mga pagbabago sa eating o sleeping patterns.

“Why is there a change in routine? Because the child is trying to respond to something, a stressor, usually. So changes in eating could be, you know, parang siyempre, kahit naman tayo bilang adults, kapag mayroon tayong dinadalang problem, minsan wala kang gana na kumain. So it’s the same for kids,” dagdag ni Inocencio.

Importante ring pagtuunan ng pansin kapag nagkaroon ng pagbabago sa mga madalas na nakakasama ng isang bata.

“For parents, this is a big thing na kapag doon sa usual na kuwentuhan ninyong ginagawa, tapos napansin mo, oh, parang nag-iiba ‘yung content or ‘yung cast noong mga siguro madalas niyang napag-uusapan before, it would be good for us to check in na parang, ‘Oh sino ‘yun? Parang ngayon ko lang narinig ‘yung pangalan na ito,’ o ‘Bago mo ba siyang friend?’ ganiyan. “Kasi it just gives us a better idea of where or anong nangyayari sa buhay nu’ng anak natin,” ani Inocencio.

Sinabi ng United Nations Children’s Fund o UNICEF, may mga pisikal ding senyales na puwedeng magsabi na posibleng nabu-bully na ang isang bata gaya ng pananakit ng tiyan o pagsakit ng dulot dahil sa stress, o kapag nagkaroon ng injuries gaya ng pasa o gasgas.

"If a child is being physically bullied, you might see them have injuries, like bruises. Their clothes might get torn. Or their belongings might get 'lost', or be damaged,” sabi ng UNICEF.

Gayunman, hindi awtomatikong bullying ang sanhi ng senyales na ito.

Sinabi ni Inocencio na pinakamahalaga para sa mga magulang na makalikha ng magandang relasyon sa kanilang mga anak upang mas mabilis nilang malaman kung nakararanas ng bullying ang kanilang mga anak.

“Ang key lang talaga rito is hindi natin kailangan magbigay ng specific list of things to watch out for especially if parents have a good enough relationship with their child. If you are present and available, and alam nila, they feel safe with you, alam nila na puwede ka nilang takbuhan, mabilis mong malalaman kung may problemang dinadala ‘yung anak mo. Hindi mo kailangan ng list of this is what this is, this is what this is.” sabi ni Inocencio.

May ilang paraan na maaaring gawin ang mga magulang kapag nakakita ng inisyal na warning signs.

“So kunwari nakikita mo, parang nag-iiba, parang malungkot 'yung dating, or parang parating galit, acknowledge first what you are observing. So puwede kasi, puwedeng umpisahan sa pagsabi na, 'O anak, napansin ko, parang medyo malungkot ka ngayon or parang meron kang kinagagalitan,'” sabi ni Inocencio.

Pagka-acknowledge ang napapansin sa anak, importante ring tanungin mismo ang bata kung tama ba ang obserbasyong napapansin ng magulang.

“What does that communicate? What it communicates is in tune tayo, nakikita natin na meron siyang dinadala. Tapos pangalawa, binibigyan natin ng halaga ‘yung opinion niya,” payo niya.

Nararapat ding tanungin ang anak kung handa ba itong magbahagi at makipag-usap sa magulang tungkol sa naranasan nito.

“Kung ayaw nilang pag-usapan din, lalo na roon sa mga pamilya na siguro hindi sila sanay na napag-uusapan 'yung mga ganyan, puwede kang mag-iwan ng sabihin, 'O sige, kung hindi ka komportable ngayon na pag-usapan 'to, puwede nating pag-usapan kapag mas komportable ka.' Or at a later time, puwede nating balikan,” patuloy ni Inocencio.

Kapag natuklasan ng magulang na nabu-bully nga ang anak, lalo kung sa eskuwelahan nagaganap ang bullying, dapat itong ipaalam sa paaralan para mabigyan ng tamang proseso at aksiyon.

“Kapag na-report na nila sa school, unang una, na-involve ninyo na 'yung school. So, doon na natin siya i-address. Huwag naman natin i-take into our own hands 'yung sitwasyon na tayo 'yung... pupuntahan natin, susugurin natin, 'Yung anak mo, ganyan.’ Siyempre, again, ina-acknowledge natin na kung magulang ka ng victim, masakit 'yun makita na 'yung anak ko binu-bully. Pero I don't think it is helpful if we take things into our own hands also,” sabi ni Inocencio.

Importanteng idaan sa tamang proseso ang pagresolba ng kaso ng bullying dahil nagtuturo rin ito ng aral at nagbibigay ng halimbawa sa mga anak.

“Kailangan nating isipin kung ano 'yung gusto nating matutunan ng anak natin through going through this process. Gusto nating matutunan na una, ang conflict resolution, hindi kailangang violent o madahas o daanin sa palakasan ng boses. Ngunit puwede tayong dumulog sa mga proseso para ma-resolve ang conflict. Para at the end of the day, kunwari, meron talagang pagpapapataw ng consequence doon sa nambully, makikita mo rin, malinaw. So at least makakatulong din 'yun sa iyong recovery na 'ah okay, the system works,'” patuloy ni Inocencio. – FRJ GMA News