Sa ospital ang diretso ng isang college graduate matapos masugatan sa nangyaring pamamaril sa labas ng isang kolehiyo sa Pantukan, Davao de Oro kung saan dumalo siya sa graduation ceremony.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na nangyari ang insidente kaninang hapon dakong 1:00 pm., habang pasakay na sa kanilang sasakyan ang biktima at kaniyang pamilya.

Nakasakay naman sa minivan na walang plaka ang mga suspek na nakatakas.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan mula sa kalibre .45 na baril ang biktima.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV, sinabi umano ng pulisya na stable na ang lagay ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.

Ikinabahala naman ng lokal na pamahalaan ang nangyaring insidente lalo na’t nangyari ito sa labas ng paaralan.—FRJ GMA News