Nahuli-cam ang pananambang ng dalawang lalaki sa isang dating kagawad sa Barangay Dalig, Antipolo City.

Sa exclusive report ni Rida Reyes sa "Balitanghali Weekend" nitong araw ng Linggo, makikita sa CCTV na nag-aabang sa kalsada ang dalawang suspek.

Makalipas ang ilang minuto, dumating ang isang gray na SUV na sinasakyan ng biktimang si Ding Masangkay.

Pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan pagdaan nito sa kanilang pwesto.

Nakaharurot palayo ang SUV at mapalad na nakaligtas si Masangkay matapos siyang tamaan ng bala sa tiyan.

Nadaplisan din ng bala ang bintana ng isang bahay na katapat ng pinangyarihan ng pamamaril.

"Okay na 'yung nabasag 'yung bintana ko, at least walang nadamay sa pamilya ko," sabi ng saksing may-ari ng bahay.

Nakita namang umangkas sa isang naka-abang na motorsiklo ang dalawang suspek.

Sampung tama ng bala ang tinamo ng sasakyan ni Masangkay, na nanunungkulan ngayon bilang head ng Urban Settlement Development Organization ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng may kinalaman sa tungkulin ng biktima ang pananambang.

"Siya ang nagpapa-demolish. Syempre illegal settlers... sa kanya dumadaan 'yun. Siya ang humaharap," ayon kay Danilo Flores, imbestigador mula sa Brgy. Dalig.

Nag-alok na ng P200,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Antipolo para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga suspek.

Natunton na rin ng mga pulis ang motor na ginamit ng mga suspek sa pagtakas.

Ipadadala na rin ng pulisya sa kanilang cybercrime division ang kopya ng CCTV para makita nang mas malinaw ang mukha ng mga gunman. —Dona Magsino/LBG, GMA News