Nagkakahalagang P3.4 milyon ng shabu ang nakumpiska sa naarestong tulak umano ng droga sa Zamboanga City.

Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa Balitanghali, kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Jojo Hashim.

Itinanggi naman ni Hashim na sa kaniya ang isang bultong drogang nakumpiska.

Sinabi niya na may nagpaabot lang nito sa kanya sa jeep.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Timbog naman sa Isabela, Basilan ang isa umanong lider ng isang drug  group.

Kinilalang si Jomer Atang ang suspek, na itinuturing na high value suspect ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagkakahalagang P75,000 ang nakumpiskang mga pakete ng shabu mula sa suspek.

Arestado din ang apat na nahuli sa aktong gumagamit ng shabu sa Bacoor, Cavite.

Nahuli ang mga ito nang magsagawa ng buy-bust operation laban kay  Perpetuo ‘Pitong’ Silva na may-ari ng bahay na ginagawa raw na drug den.

Narekober sa kanila ang ilang pakete ng shabu, marked money at drug paraphernalia.

Inamin naman ni Pitong na matagal na siya gumagamit ng droga.

###