Bangkay na nang matagpuan na nakasilid sa refrigerator ang isang negosyanteng Filipino-Chinese sa Talisay City, Cebu. Ang suspek sa krimen, tatlong magkakapatid na dating nagtrabaho sa biktima.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nitong Sabado nakita ang bangkay ng biktima na si Victoria Lua, 62-anyos, sa loob ng isang refrigerator sa kaniyang bahay sa Barangay Tabunok, Talisay City.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad, may mga nakitang pasa sa katawan ni Lua at marka na hinampas siya ng matigas na bagay sa ulo nito.
Hinala ng pamilya ng biktima, ang tatlong magkakapatid na sina Jeffrey Banilad, Jayr Banilad at Johnny Duarme, ang posibleng nasa likod ng krimen.
Dati raw nagtrabaho ang mga suspek sa biktima at pinaghihinalaan na nagnakaw din noon sa negosyante.
Nitong Linggo, nagpunta sa Talisay City police si Jeffrey para linisin ang kaniyang pangalan at iginiit na wala siyang kinalaman sa krimen.
"May tumawag kasi na may pinatay at kasali daw ako sa mga suspek. Nag-surrender na lang ako kasi wala talaga akong alam," giit niya.
Nang araw din iyon, naaresto naman ang kapatid niyang si Jayr sa bahay nito sa Barangay Tigbao sa bayan ng Badian.
May nakuha umanong baril sa 27-anyos na suspek na itinanggi rin na may kinalaman siya sa nangyaring krimen.
Apat na buwan na umano ang nakararaan nang umalis itong trabahador sa biktima at namamasada na lang ng habal-habal.
Patuloy naman hinahanap si Johnny, na nagtrabaho dito bilang delivery boy sa negosyo ng matandang biktima.
Ayon kay Superintendent Marlu Conag, hepe ng Talisay City Police, ang magkakapatid ang nakikitang suspek ng pamilya ng negosyante dahil dati na raw nagnakaw ng pera at mga alahas ang mga ito sa biktima na aabot sa isang milyong piso ang halaga.--FRJ, GMA News
