Nadakip sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa Trece Martires, Cavite nitong Lunes ang isang babae na nagpakilala raw na naging miyembro noon ng grupong "SexBomb" dancer.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Ivy Eboña, na nadakip sa isinagawang operasyon sa Barangay San Agustin nitong Lunes ng gabi matapos siyang manmanan ng ilang araw.
"Sa aming information...from 2004 to 2006, parang nag-train siya as part ng Sexbomb dancer. Although 'di naman siya naging regular member. Pero ang information, siguro mga 14-years-old siya noon na naging part siya ng SexBomb dancer(s)," sabi ni Police Senior Inspector Wilfredo Plomos, deputy chief of police ng Trece Martires.
Nakuha umano kay Eboña ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at ginamit na buy-must money.
Posible raw na si Eboña ang pumalit sa kaniyang asawa na isa umanong "big-time" na tulak na nahuli noong nakaraang taon, ayon kay Plomos.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, kinukumpirma pa ng GMA News kung totoong naging bahagi ng Sexbomb group ang suspek. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
