Tatlo ang patay, habang 10 ang naospital sa Capas, Tarlac sanhi umano ng pag-inom ng lambanog.
Ayon sa ulat sa GMA News TV's "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nagsimulang mag-inuman ang magkakamag-anak na sina Jomel, Edgardo, Edilito Sicat, at 10 iba pa noong ika-14 ng Nobyembre.
Sumama umano ang pakiramdam ng mga biktima kinabukasan kaya't isinugod sa ospital. Tatlo sa pamilya Sicat ang namatay.
Pinasinungalingan naman ng pamilya ang mga haka-hakang kumakalat umano sa social media na nilagyan ng formalin, buhay na ahas, vetsin o kabuteng bukid ang ininom na lambanog.
Ang ininom nilang lambanog umano ay noong ika-2 ng Nobyembre pa nabili sa Pampanga.
Hinihintay pa ng Capas Police ang resulta ng ipinasuring lambanog. —Dona Magsino/LBG, GMA News
