Binigyan ng pagkakataon ang ilang may down syndrome sa Davao City na maipamalas ang kanilang galing at maging produktibo sa trabaho sa pamamagitan ng programa na payagan silang mag-OJT o on the job training sa ilang kompanya.
Sa ulat ni John Paul Seniel ng RTV-One Mindanao sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing good vibes ang dala ng mga miyembro ng Down Syndrome Association Davao Chapter sa ilang opisina at establisimyento sa Damosa Lanang sa Davao City.
Sa pamamagitan ng programa, tatlong buwan na mag-o-OJT ang mga may Down syndrome sa ilang establisimyento.
Kabilang sa mga nakapasok sa programa sina Alvin Redulosa, 28- anyos, na ang trabaho ay maggupit ng mga papel para sa isang handmade crafts store.
Si Michael Reduloza naman, 34-anyos, nasa tanggapan ng isang foundation na nagsasagawa ng medical mission. Nag-aayos naman ng mga dokumento sa mga opisina sina Barbie Grace Hong, 34, at Creslen Costan, 33.
Hindi lang ang mga may special needs ang masaya sa programa kung hindi maging ang kani-kanilang magulang dahil may dala itong positibong epekto sa pananaw sa buhay ng kanilang mga anak.
Ayon sa manager ng Down Syndrome Association of the Philippines Davao na si Lanie Vergara, nabuo ang programa nang ipagdiwang ang National Disability Prevention and Rehabilitation Week noong Hulyo, nang iminungkahi nilang gawing produktibo ang persons with special needs.
Kasunod nito ang pagkakabuo ng kasunduan sa asosasyon at pribadong sektor para isailalim ang mga miyembro nila sa dalawang oras kada araw na OJT.
"Sa pagpili namin sa kanila, unang una ay kung pasok na ba sila age bracket ng employability. Second, kung nakatira ba sila within Davao City lang para accessible din sa kanila. Pangatlo, kapag okey ang performance nila sa school," paliwanag ni Vergara.
Natutuwa naman ang mga employer dahil magaan daw katrabaho ang mga may Down syndrome. -- FRJ, GMA News
