Nagsagawa ng hunting operation ang mga awtoridad para mahuli ang buwaya na nasa likod ng sunod-sunod na pag-atake sa mga tao sa Balabac, Palawan. Ang pinakahuli, naganap noong Martes kung saan nagkalasog-lasog ang katawan ng biktima.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing wala na ang isang kamay at binti ng biktimang si Cornelio Bonete nang makita ang kaniyang bangkay sa dalampasigan sa Balabac noong Martes.

Bago ang pagkamatay ni Bonete, ilang taga-Balabac na rin ang inatake ng buwaya sa mga nakalipas na buwan.

Nitong nakaraang Oktubre, sugatan ang 16-anyos na si Parsi Hulia Diaz matapos atakihin ng buwaya habang naliligo sa dagat.

Nakagat sa paa ang biktima pero nakaligtas nang paluin niya ng sagwan ng bangka ang buwaya.

Noong Mayo naman, nasugatan ang mag-amang Rasmin at Karik Buara, nang atakihin din ng buwaya sa Barangay Salang.

Samantala, kalahati na lang ang katawan ni Redente Ladya nang natagpuan sa tabi pa mismo ng isang buwaya nitong Pebrero.

Dahil sa nangyaring mga insidente, nagsagawa ng operasyon ang Palawan Council for Sustainable Development, Department of Environment and Natural Resources, at Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center, para mahuli ang buwaya.

"Ang gagawin ng team, ika-capture, i-extract natin 'yung suspect crocodile. 'Yung proseso nito hindi natin malaman kung gaano siya tatagal, but 'yung suspect crocodile na nakakagat 'yun lang muna ang i-extract ng PCSD," sabi ng tagapagsalita ng PCSD na si Jovic Fabello.

Isa raw sa mga nakikitang dahilan ng PCSD sa madalas na insidente ng crocodile attack ay ang pagkasira ng natural habitat o tirahan ng mga ito.

"The natural habitat ng crocodile are the mangrove so kung disturb na ang natural habitat nila, most probably humihina na rin 'yung food productivity ng area. Kapag mahina na ang food productivity ng area, maghahanap sila ng ibang area kung saan puwede silang makakain o makahanap, maka-hunt, makahanap ng pagkain," paliwanag pa ni Fabello.

Sabi ng opisyal, hindi sila nagkukulang na magbigay ng impormasyon at babala sa mga tao sa mga lugar na mayroong sighting ng buwaya. -- FRJ, GMA News