Nauwi sa engkuwentro ang gagawin sanang pagsita ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit sa motoristang kaduda-duda ang plaka ng sasakyan sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA News TV "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nasawi sa naturang engkuwentro si Senior Police Officer 1 Serge Constatine Meceren, habang nasugatan naman si SPO 2 Lindel Baltazar.

Malubha ring nasugatan ang motoristang sisitahin sana pero nakipagbarilan sa mga pulis na si Adilao Abdul Rahim.

Sa imbestigasyon, pinatigil ng mga awtoridad ang sasakyan ni Rahim dahil sa kahina-hinala umanong plaka.

Pero nang lalapitan na siya ng mga awtoridad, kaagad umanong nagpaputok ng baril si Rahim at doon na nagsimula ang engkuwentro at tinamaan din ang dalawang pulis.

Pumanaw sa ospital si Meceren, habang inoobserbahan pa si Baltazar.

Dalawang kasamahan din ni Rahim ang inaresto pero hindi sila nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News