Hindi na umubra ang pagmamatigas ng dating bise alkalde ng Marilao, Bulacan na inabot ng halos 20 oras ang negosasyon para magpaaresto matapos siyang batuhin ng tear gas ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing dakong 3:30 p.m. nang kumilos ang mga pulis para maisilbi kay dating Marilao vice mayor Andre Santos, ang arrest warrant na isisilbi sa kaniya kaugnay ng kasong qualified theft.
Nitong Huwebes ng gabi umano isisilbi ng mga pulis ang naturang warrant pero nagwala si Santos at nagkulong sa kaniyang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.
Nagbanta siyang armado ng baril at granada.
Pinairal naman ng mga pulis ang maximum tolerance at sumama na rin ang gobernador at bise gobernador ng lalawigan na nakiusap na sumuko siya.
Pero nang hindi pa rin umubra ang mga pakiusap, kumilos na ang mga pulis at nagpakalawa ng tear gas sa kaniyang kinaroroonan.
Ilang saglit pa, nakitang lumalabas na ng bintana si Santos at doon na siya inaresto.
Dalawang miyembro umano ng SWAT Team ang nasugatan matapos na mabugbog sa bintana.
Ayon sa kaniyang kaanak, posible raw na ang kaso ay nag-may kinalaman sa negosyong pagpapautang sa casino na pinasok nito.
Pero tumakbo umano ang ilang umutang sa kaniya kaya naghabala naman ang mga negosyanteng kasosyo na kinunan niya ng puhunan.
Nakiusap ang kaanak ni Santos na unawain ang dating bise alkalde na nakararanas umano ng depresyon. -- FRJ, GMA News
