Pahirapan ang retrieval operation ng mga rescue team sa mga lugar na nagkaroon ng landslide sa Tiwi, Albay dahil sa mga puno, bato at putik na humambalang sa daan. Sa ngayon, umabot na sa 15 katao ang nasawi at anim pa ang pinaghahanap.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang ginagawang operasyon ng mga rescue team para malinis ang mga daanan sa Barangay Maynonong sa Tiwi.
Maging ang mga residente, pahirapan din ang paglalakbay dahil sa sitwasyon.
Kabilang sa mga nabiktima ng landslide at patuloy na hinahanap ay sina Marcelina, Zyrus at Mary Rose Climacosa, na natabunan ang bahay.
Sa kalapit nitong Barangay Balais, sinabing tatlo pa umano ang hinahanap din.
Kabilang naman sa 15 nasawi ay sina Ranil Consulta at mga anak niyang si Sharmaine at Jasmine na nabagsakan ng lupa ang bahay noong Sabado sa kasagsagan ng pag-ulan.
Sa bahaging ng Tiwi-Camarines Sur road, nagmistulang talon dahil sa umaagos na tubig. Naanod din at nawasak ang waiting shed.
Ayon sa ulat, nangangalap pa ng datos ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) para mga irerekomendang lugar na kailangan nang permanenteng iwan.
Sa kabila ng trahediya, may mga residente pa rin na payak na sinalubong ang bagong taon.-- FRJ, GMA News
