Arestado na ang suspek sa pagpatay sa mag-lola at pagkasugat ng isa pang batang lalaki sa Isabel Village, barangay Tabang, Plaridel, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing iniharap ng Bulacan Police sa media ang suspek na kinilalang si Jay Vincent Mamerto, 27, na kapitbahay lamang ng mga biktimang sina Sylvia Castil, 63, at apo nito sa pamangkin na si Cyreen Margarette San Pedro, 14.
Nakaligtas ang isa paniyang apo na si Cyrus James Malicsi, 7.
Emosyonal at galit na galit ang mga kamag-anak nang makaharap ang suspek sa himpilan ng pulisya.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakitang nagmamadaling naglalakad ang suspek, trabahador sa isang pet shop.
Bakas pa sa mga braso ni Marmeto ang sugat matapos na manlaban umano ang mga biktima.
Nakuha rin ang pantalon na may bakas pa ng dugo na suot ng suspek nang isagawa ang krimen.
Naglaan din ang lokal na pamahalaan ng Plaridel ng halagang P100,000 sa makapagtuturo sa suspek.
Ayon sa suspek, magnanakaw lamang umano siya sa bahay ng mga biktima para sa panganganak ng kaniyang asawa at hindi niya intensyong saktan ang mga biktima.
Humingi siya ng tawad sa pamilya ng mga biktima pero matindi ang kanilang galit. Dapat ay nanghingi na lamang daw ang suspek ng pera na kanila naman daw pagbibigyan.
Nakita pa raw nilang dumaan ang suspek sa burol ng mga biktima.
Nakapiit na ang suspek sa Camp Alejo at inihahanda na ang mga isasampang kaso laban sa kaniya. —LBG/FRJ, GMA News
