Para bigyang solusyon ang problema dulot ng oversupply ng mga gulay sa Benguet, ibinebenta na ang mga ito ngayon online sa pamamagitan ng Session Groceries, isang online business na nakabase sa Baguio.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita nitong Martes, layunin din nito na matulungan ang mga naluluging magsasaka dahil sa pagkabulok ng kanilang produkto na hindi na nabili.

Sa pagpasok ng Enero, bumagsak ang presyo ng mga gulay mula Benguet dulot ng oversupply matapos magkasabay-sabay ang ani ng mga magsasaka.

“Yung mga farmers kasi ang dami nilang spoilage, scrapage and pwede kami mag-way para maitawid si consumer at si farmer na magkalapit sila,” sabi ng may-ari ng Session Groceries na si Iloisa Diga.

“Ang mahal din ng gulay niyo sa Metro, so at least dalawang part ang nata-tackle: ma-solve ang sobrang mahal sa Metro at ma-solve ang problema ni farmer na di nya ma-distribute,” dagdag pa ni Diga.

Kailangan lang bumisita sa website ng Session Groceries para doon um-order.

“Sa ngayon kasi ‘di pa kami ganun ka-ready sa Manila audience, masyadong madami, so nag-aadapt palang yung company,” ani Diga.

Dahil sa tulong na naibibigay ng Session Groceries, nagpapasalamat naman ang ilang mga magsasaka na walang kakayahang mag-biyahe pa ng kanilang mga produkto sa labas ng probinsya.

“Sila po talaga naghahanap ng paraan para matulungan kami i-dispose yung gulay namin sa tamang presyo na hindi kami lugi,” sabi ng magsasakang si Rowell Kimayong.

Ayon naman sa isang consumer, masaya siyang nakatutulong sa mga magsasaka kahit na dehado siya sa shipping fee.

“Ang purpose lang po talaga namin ay makatulong sa mga farmers, kasi ang laki ng oversupply ng mga gulay sa kanila. Nagmamakaawa na sila maibenta sana nila,” sabi ni Kwin Kwin Molino na isang konsyumer sa Session Groceries.

Payo naman ni Molino, mas mainam na maramihan ang pag-order ng gulay para makatipid sa shipping fee. —Joviland Rita/KBK, GMA News