Nahulog ang isang mag-ina, 1-anyos at 4-anyos na anak,mula sa cabin ng umano'y palyadong Ferris wheel sa Iloilo City.
Sa ulat ng "Unang Balita" ni Bam Alegre nitong Miyerkoles, natanggal umano ang lock sa cabin kaya nahulog ang mag-ina.
Sa isang video, makikitang nakalambitin sa ferris wheel ang 4-anyos na bata. Sinagip siya ng isang lalaki kaya hindi tuluyang nahulog.
Pero ang kanyang ina at kapatid na 1-anyos ay nahulog mula sa ferris wheel at mabuti na lamang umano at sa trapal bumagsak ang dalawa.
Nagtamo ng bukol ang mag-ina at mabilis na nalapatan ng paunang lunas.
Matapos ang insidente, nakipag-areglo ang pamunuan ng peryahan sa ina kaya hindi na siya nagsampa ng kaso.
Tumanggi na silang magbigay ng karagdagang pahayag.
Ayon sa public safety and transportation management office o PSTMO, napag-alamang walang safety plans ang perya at wala rin kahit permit para sa mga rides nito.
"Isa rin 'yan sa mga itse-check natin sa amusement establishments. Kung may activity sila, kumukuha sila ng permit, nagpapasa sila ng safety plans, at ia-approve natin sa office namin," ayon sa pinuno ng PSTMO na si Jeck Conlu. —Joviland Rita/LBG, GMA News
