Nagwala ang isang lalaking nanghihingi lang umano ng gamot sa isang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Davao City nang sitahin siya dahil sa dala niyang patalim.
Sa ulat ni Sheila Vergara-Rubio sa GMA News TV "Balita Piliinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing nagpunta umano ang lalaki sa Davao City Social Services and Development Office para manghingi ng gamot pero nagulat ang mga kawani nang makitang may dala siyang kutsilyo.
Kaagad na rumesponde ang mga awtoridad para pakiusapan ang lalaki na isuko ang dala niyang patalim pero tumanggi ito.
Nang sunggaban siya ng isang sibilyan mula sa likuran para makuha ang patalim, nanlaban ang lalaki at tinangka pang undayan ng saksak ang pumipigil sa kaniya.
Kinalaunan ay nakuha rin ang patalim sa lalaki matapos siyang pagtulungan na magapi at dinala sa pulisya.
Nagtamo naman ng galos sa kamay ang isang rumespondeng sundalo.
Sabi ng suspek, "Naghahanap lang ako ng tulong pero hindi ako tinulungan dahil takot ako."
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, may problema sa pag-iisip ang nagwalang lalaki.--FRJ, GMA News
