Isang tricycle driver ang inaresto matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng isang turistang Irish national sa El Nido, Palawan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing Huwebes ng madaling araw nang sumakay sa tricycle na minamaneho ni Perry Gaspe, ang biktima at mga kaibigan nito.

Galing daw sa bar ang grupo at pauwi na sa kani-kanilang tinutuluyang hostel nang mangyari ang insidente.

Pero dahil sa ibang hostel tumutuloy ang biktima, nagpauna na ito at nahiwalay sa grupo.

Nag-alok pa raw si Gaspe na ihahatid niya sa hostel ang biktima at doon na isinagawa ang pangagahasa.

Kaagad naman nagtungo sa pulisya ang biktima matapos ang krimen. Kinaumagahan, naaresto si Gaspe na tumangging magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA News