Pinatawan ng mula 12 hanggang 20-taong pagkakabilanggo ang tricycle driver na nanggahasa kamakailan sa isang dayuhang turista sa El Nido, Palawan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Nag-plead ng guilty ang akusado na si Perry Gaspe, dahilan kung bakit hindi reclusion perpetua ang ipinataw na parusa sa kanya.

Bukod sa pagkakakulong, pinagbabayad din ng korte si Gaspe ng P100,000 na danyos.

Ayon sa ulat, madaling araw ng Pebrero 13 nang sumakay sa tricycle na minamaneho ni Gaspe ang biktimang Irish national at mga kaibigan nito.

Pero dahil sa ibang hostel tumutuloy ang biktima, nahiwalay ito sa grupo kasama si Gaspe. Sa isang eskinita raw nangyari ang panghahalay.

Nakatakda nang ilipat si Gaspe sa Iwahig Prison at Penal Farm sa Puerto Princesa. —KBK, GMA News