Isang bagong panganak na sanggol ang itinapon umano sa bintana ng isang ospital ng kaniyang 15-anyos na ina sa Kabacan, Cotabato.



Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakita ng isang naglilinis sa ospital ang sanggol na nasa ibabaw ng plywood na katabi ng basurahan sa labas ng pagamutan.

Sa pagsisiyasat ng ospital, lumitaw na na-admit daw ang ina ng bata dahil sa urinary tract infection (UTI) pero bigla itong napaanak.

Napag-alaman din na itinago raw ng menor de edad na ina sa kaniyang mga magulang ang kaniyang pagbubuntis.

Nailigtas naman ang sanggol na nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Hindi pa tukoy kung ano ang sinapit ng dalagitang ina.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News