Nasagip ng mga awtoridad ang 26 na kababaihan, 21 sa kanila ay mga menor de edad, na ibinubugaw umano sa mga foreigner sa isinagawang operasyon sa dalawang hotel sa Mabalacat, Pampanga. Ang isa sa mga biktima, nakauniporme pa na pang-eskuwela.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing unang pinasok ng mga operatiba ng Women and Children Protection Center nitong Lunes ang isang hotel dakong 7:00 p.m. nitong Lunes, kung saan bumungad sa isang kwarto ang aabot sa 16 na babae.

Nag-iyakan ang mga babae nang pumasok ang mga awtoridad kaya sila pinakakalma.

Isinunod ng mga operatiba ang isa pang hotel kung saan inabutan naman ang 10 pang babae.

"Meron po kaming confidential informant, reliable informant, na may nangyayaring trafficking in person dito," sabi ni P/Lt. Anavy Acosta, WCPC-LFU.

Ayon pa sa mga awtoridad, pinapara ng mga suspek ang mga sasakyan na lalaki ang mga sakay. Kapag huminto ang mga ito, inaalok ng mga bugaw ang mga kabataang babae sa halagang P1,500 hanggang P3,000.

Inilahad ng isang biktima na niyaya lamang sila na mag-swimming sa hotel ngunit hindi niya inakala na ibubugaw sila.

Umamin naman ang dalawang naarestong bugaw sa kanilang krimen.

"Aaminin ko po na kasalanan ko po 'yun," sabi ng suspek na si Marites Liwag.

Ang isa pang bugaw, idinahilan ang kawalan ng trabaho.

Sinabi ng isang roomboy sa ni-raid na hotel na unang pagkakataon lang daw itong nangyari sa kanilang establisimyento.

Haharapin ng mga suspek ang reklamong human trafficking, samantalang dinala sa Camp Crame ang mga nasagip.

Ipatatawag din ang mga magulang ng mga babaeng nasagip. â€”Jamil Santos/FRJ/KG, GMA News