Hindi inakala ng isang barangay treasurer sa Aguilar, Pangasinan na maibabalik pa sa kaniya ang nawala niyang bag na may lamang pera na pampasahod sa mga tauhan. Pero dahil matapat ang taong nakapulot ng bag, naisauli ito sa kaniya na kompleto ang P167,000 cash.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing namamasada ng kaniyang tricycle si Ruel Prado nang mapansin niya ang isang itim na bag sa kalsada.

Pinulot niya ito at sinilip kaya nakita niya na may laman na malaking halaga ng pera. Pero hindi niya pinag-interesan ang pera at dinala niya sa barangay hall ng Poblacion para maisauli sa may-ari.

"Hindi ko po talaga kukunin 'yon dahil ako po talaga ay nagsasauli po ng hindi po sa akin. Mayrong laman o wala, ibabalik ko po," sabi ni Prado.

Napag-alaman na ito na pala ang ika-apat na pagkakataon na nagsauli ng napulot na bagay si Prado.

Dahil may mga dokumento sa bag, natukoy ang may-ari ng bag si Barangay Laoag treasurer Teresita Repato.

Kuwento ni Repato, nagmamaneho siya ng motorsiklo noon at patungo sa Barangay Poblacion nang aksidenteng mahulog niya ang bag.

"Nandon kasi ang payroll na ipapasahod ko dahil kaka-withdraw ko lang noong umaga. Kaya hindi ko pa naipasahod 'yong iba," kuwento niya.

Aminado si Repato na hindi niya inasahan na maibabalik pa ang bag na kumpleto ang laman na pera.

Very proud naman ang mga taga-Aguilar sa mabuting kalooban na ipinamalas ni Prado.-- FRJ, GMA News