Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng kidnap for ransom group nang maka-engkuwentro ang mga pulis at NBI sa Lanao del Norte nitong Biyernes.

Ang tatlo namang kasama ng mga suspek ay nakatakas.

Nangyari ang engkuwentro bandang 12:25 p.m. sa Purok 2 Upper Bagumbayan sa Kauswagan.

Ayon kay Robert Joey Ajero, NBI acting chief ng Iligan, nagsagawa sila ng entrapment operation para sa payoff.

Nang matunugan ng mga suspek na may kasama ang kidnap victim na itinago sa pangalang "Abraham" ay nagpaputok umano ang mga ito, kaya't gumanti ang mga pulis at NBI.

Nakilala ang dalawang napatay na suspek na sina Zainal Wahab Oding, 30, taga Lower Dansalan, Marawi City; at Naipodin Hosain, 23, taga Bualan, Wat Balindong, Lanao del Sur.

 

Iniimbestigahan ng mga pulis ang nangyaring engkuwentro sa Kauswagan, Lanao del Norte nitong Biyernes, Marso 16, 2019, kung saan dalawang hinihinalang kidnaper ang napatay. Nakatakas ang tatlo pang suspek. Merlyn Manos

 

Unang nadakip ng limang suspek si Abraham noong March 10 sa Marawi City at dinala siya sa bayan ng Saguiran sa Lanao del Sur.

Ayon kay Abraham, nag-aabang siya ng pasahero sa Marawi City nang may lumapit sa kanyang isang babae at isang lalaki. 

Sinabi ng dalawa na may kukunin sila sa Mindanao State University at dadagdagan na lang nila ang bayad.

Hindi raw sumakay ang babae, ngunit tatlong lalaki ang sumakay. Bumiyahe sila papuntang MSU, ngunit nag-anunsiyo ang mga suspek ng holdup at ransom habang nasa Saguiran.

Piniringan daw si Abraham at tinakot na papatayin kung hindi magbabayad ng P120,000 na ransom.

Sinabi raw ni Abraham na siya lang ang makakapag-withdraw ng pera kung kaya't pinalabas siya. Ang sasakyan naman niya ang nagsilbing collateral sa halagang P70,000.

Nang matanggap ng mga awtoridad ang sumbong tungkol sa pangyayari, agad na nakipag-coordinate sila sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group. Naglatag sila ng plano sa payoff.

"Nagkaroon ng payoff. Kinuha nila ang pera. Nagkataon na andon ang mga operatiba at pinutukan ang mga operatiba so kaya nag-retaliate ang grupo that led to the death of the suspects. Dinala ito sa hospital pero dineclare ito na dead on arrival by the attending physician," ani Ajero.

Ligtas naman ang biktima.

Kasalukuyang nagsasagawa ng profiling ang mga awtoridad sa tatlo pang suspek na nakatakas.

Ayon kay PCI Maria Gemma Christiana Corbita, pinuno ng anti-kidnapping group, wala sa listahan nila ang grupong naka-engkuwentro. Maaaring bagong grupo raw ito.

Handa raw si Abraham na ipakulong ang tatlo pang suspek na nakatakas para hindi na lumaki ang grupo. —Merlyn Manos/KG, GMA News