Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaking nagtangka umanong gumahasa sa isang 13-anyos na babae sa Orion, Bataan. Ang suspek, nakagat muna ng aso ng biktima bago tuluyang nakatakas.
Ayon sa ulat ni James Agustin nitong Martes sa "Balita Pilipinas Ngayon," lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na biglang pumasok sa bahay ng biktima ang suspek na si Willy Usinar.
Tinutukan daw ng suspek ng karit sa leeg ang biktima at saka hinipuan.
Nang makita ng kapatid ng biktima ang pangyayari, lumabas ito ng bahay para humingi ng tulong.
Dito na raw nakakita ng pagkakataon ang biktima na lumaban at naagaw ang karit mula kay Usinar at nagtangka nang tumakas.
"Sakto naman, paglabas niya, 'yung alagang aso ng mga bata kinagat siya sa paa. Dahilan para mapatid siya at madapa-dapa. Kaya 'yung bata, nahampas siya ng karit sa likod," sabi ni Police Corporal Julie Crisostomo ng Orion Police.
Ayon sa biktima, bago ang insidente ay nakita na niya ang suspek sa labas ng kanilang bahay.
"Sinisilipan po 'yung kapatid ko na natutulog. Tinanong ko po siya, bakit po? Sabi niya 'nasaan si papa mo?' Sabi ko, 'wala po,' tapos umalis na po siya," kuwento ng bata.
Maliban sa sugat sa kamay, nakaranas daw ng matinding takot ang biktima.
Nakausap na siya ng mga social worker at isasailalim sa psychological intervention kung kung kakailanganin. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
