Hinihinala ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagpanggap na ibang tao at gumawa ng Facebook account ang dating nobyo ng pinatay na si Christine Silawan para mapapayag ang biktima na makipagkita sa kaniya bago naganap ang karumal-dumal na krimen sa Lapu-lapu City, Cebu.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sinuri ng NBI ang FB messages kay Silawan at nakita nila na tila may bagong manliligaw ang 16-anyos na biktima.
Nang makapalagayan na umano ng loob ni Silawan ang bagong kaibigan sa FB, nagkasundo umano ang dalawa na magkita sa labas ng simbahan nang gabing mawala siya noong Marso 10.
Sa nakuha namang CCTV video ng NBI, makikita umano na tila may hinihintay si Silawan. Pero ang dumating sa lugar ay ang 17-anyos na dati niyang nobyo, at suspek ngayon sa karumal-dumal na pagpatay sa biktima.
Nakita ang bangkay ng biktima noong Marso 11 sa isang bakanteng lote na tadtad ng saksak, tinalupan ang mukha at inalisan ng lalamunan.
Paniwala ng NBI, posibleng inasahan ng biktima na ang bagong kaibigan niya sa Facebook ang makikita sa lugar at hindi ang kaniyang dating nobyo.
"The suspect is so obsessed with the girl, puwedeng nag-create ng Facebook account using a different picture ng napakagandang lalaki. Niligawan niya si Christine, pumatol itong si Christine," ayon kay Tomas Enrile, Regional Director, NBI-Region 7.
Sa ilang bahagi ng CCTV, sinabi rin ng NBI na mapapansin na tila nagtatalo ang biktima at suspek.
"Puwedeng pagkita nila du'n, nagulat si Christine [na], 'bakit ito ang kuwan nito eh hindi naman ito ang kausap ko?'," sabi ni Enrile.
Sa tanong kung bakit sumama pa rin si Silawan sa dating nobyo, ito umano ang inaalam ng NBI.
Nahuli nitong Sabado ang menor de edad na suspek, na ayon kay Enrile ay umamin na raw sa krimen.
Itinuro rin umano ng suspek ang dalawa pa niyang kasama, na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.-- FRJ, GMA News
