Patay ang mag-asawa at siyam na taon gulang nilang anak matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa Tinambac, Camarines Sur, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Biyernes.

Pumalaot ang mag-anak noong March 23 para sana dumalo sa isang pabasa nang maganap ang insidente.

Kinabukasan na nang makita ang bangkay ng tatlo na palutang-lutang sa dagat.

Sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, nakitang may sira o tama ng pagkabundol ang bangka ng pamilya.

Posible raw na biktima ng hit-and-run ang tatlo ng isang mas malaking bangka.

Kinilala ang mga biktima na sina Rolando Quiñones, ang misis niyang si Belen at anak nilang si Lovely. —KBK, GMA News