Naglabasan sa kanilang mga lungga ang ilang king cobra sa iba't ibang bahagi sa Pilipinas, at pinaniniwalaang ang sobrang init dala ng kasalukuyang El Niño ang dahilan.

Nitong mga nakaraang araw hanggang noong Biyernes, may nahuli at napatay na mga king cobra ng mga residente sa iba-ibang lugar sa buong kapuluan.

Sa Quezon province, tatlo na ang naitalang napatay ng mga residente. Sa Barangay Bukal, Tagkawayan, Quezon takot pa rin hanggang sa ngayon ang mga residente matapos makakita ng king cobra.

Ito raw ang unang pagkakataon na makakita sila ng malaki at mahabang ahas. Nag-amba pa raw itong susugod sa kanila, kaya inunahan na ito ni Mang Joel. Dalawang tao na raw kasi ang napatay ng ahas sa kanilang Barangay.

King cobra rin ang mga napatay na uri ng ahas sa mga bayan ng Lucban at Perez sa Quezon, at ganun din sa Bay, Laguna; Camarines Sur; at sa Sarangani province sa Mindanao.

Umaabot ng walo hanggang siyam na talampakan ng king cobra na itinuturing na top predator.

Bagamat natatakot ang karamihan sa king cobra, nababahala naman ang ilang eksperto sa sunod-sunod na pagpatay sa mga king cobra sa Pilipinas.

Mainit at tuyo na raw ang mga tirahan ng ahas kung kaya’t lumalabas ang mga ito upang maghanap ng malamig at ligtas na tirahan. Malapit na rin raw ang nesting season ng mga King Cobra dahilan para maghanap sila ng lugar kung saan maari silang mangitlog.

Kakaunti na lamang raw ang populasyon ng King Cobra. Hindi raw talaga dapat na pinapatay ang mga ito.

Makamandag ang mga ito pero takot rin sila sa mga tao. Kung magkakaroon lang raw ng maayos na tirahan ang mga ito ay iiwas sila sa mga tao.

Malaki umano ang ginagampanan ng king cobra sa pagbalanse ng ecosystem.

Ang mga ito raw ang kumakain sa mga daga na namemeste sa mga palayan at kung minsan ay mga daga na nagdadala ng karamdamam sa mga tao. Kapag may king cobra sa lugar ay nangangahulugan na buhay o malusog ang ecosystem.

Ayon parin kay Emerson Sy na isang herpetologist at wildlife researcher, kakaunti pa lang ang nagagawang pag-aaral ng mga scientist sa king cobra dahil sobrang bihira itong makita o secretive ang mga ito.

Makamandag, nakakatakot ang king cobra pero bihira ang pagkakataon na umatake ito sa mga tao. Hanggat maaari raw sana ay huwag patayin ang mga ito. Itaboy na lamang sila dahil iiwas naman sila sa mga tao.

Pinag-iingat rin ang mga tao sa iba pang ahas na lalabas ngayon dahil sa init ng panahon. —LBG, GMA News