Nadakip na ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang ginang at dalawa niyang batang anak sa kanilang bahay sa Barangay Kaypian sa San Jose Del Monte, Bulacan. Paliwanag nila, napatay nila ang mga biktima dahil nanlaban daw.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nadakip sa follow-up operation sina Wilson Cortez sa North Caloocan at Joselito Cortez, sa San Jose del Monte.
Ayon sa kanila, plano lang nilang nakawin ang cellphone ng biktima pero nanlaban daw ang mga ito kaya nila napatay sa saksak ang mag-iinang sina Jaymee Casabuena, 28-anyos, at mga anak niyang sina Anton Gabriel, 8-anyos at Joaquin Mateo, 5.
Pinatay din ang alagang aso ng pamilya.
Napag-alaman na asawa ng pinsan ni Jaymee si Wilson.
Ayon sa kapitbahay ng mga biktima, bago ang karumal-dumal na krimen, nakita nila na may dalawang lalaki na pumasok sa bahay ng mga biktima.
Nakita pa raw na tumulong kina Jaymee ang isa sa mga suspek sa paglalagay ng trapal bago ang krimen.
Wala ring nakitang puwersahang pinasok ang bahay ng mga biktima kaya naniniwala ang mga awtoridad na kilala nila ang mga salarin.
Sabi ng barangay official, may kapitbahay na nagsabi na nakita niyang kumatok sa bahay ang isang lalaki na pinagbuksan ng isa sa mga bata.
Sa sala ng bahay nakita ang bangkay ni Jaymee, habang di kalayuan sa kaniya ang isa pang anak. Sa kama naman nakita ang bangkay ng isa pang bata.
Ayon sa ama ni Jaymee na si Jaime Casabuena, susunduin dapat ang mag-iina nang madiskubre ang kanilang bangkay nitong Miyerkules ng gabi.
"Susunduin po sila ng mga kapatid niya kasi yung asawa ko darating ngayong mga 11:00 pm. Susunduin sila rito para kasama sila sa airport. Pagdating nila rito nadiskubre nilang bukas yung pinto," ayon kay Jaime.
Napag-aman na Martes ng gabi nang huling makitang buhay ang mag-iina ng kanilang mga kapitbahay. Iyon din daw ang araw na namataang pumasok ang dalawang lalaki sa bahay. -- FRJ, GMA News
