Sa kulungan ang bagsak ng isang ama matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad dahil umano sa paulit-ulit na panghahalay sa kaniyang 12-anyos na anak na babae sa Sta. Maria, Bulacan. Paliwanag naman ng suspek, tinakot lang niya ang biktima at hinupuan lang daw.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, hindi na napigilang maiyak ni Kei, hindi niya tunay na pangalan, habang isinasalaysay ang sinapit sa kamay ng sariling ama sa kanilang bahay.

Inihayag niyang nagsimula ang kaniyang ama sa panghihipo sa kaniyang noong siyam na taong gulang pa lang siya. Pero ngayong taon, tuluyan na siyang hinalay ng ama.

"Hindi ko alam kung bakit. Wala namin kaming nagawa sa'yong mali," umiiyak na pahayag ni Kei.

Ayon sa mga awtoridad, isang kapitbahay ng mag-ama ang nakarinig sa pag-iyak ng dalagita kaya sumilip ito sa butas ng bahay at doon niya nakita ang ginagawang kahalayan ng suspek sa biktima.

Kaagad daw na nagsumbong sa barangay ang kapitbahay at dinakip na ang suspek.

Nanlumo na lamang ang ina ni Kei at hindi makapaniwala sa ginawa ng kaniyang asawa sa kanilang anak.

"Tuwing gagawin ng kaniyang ama 'yung panghahalay, tinututukan niya ito ng patalim at tinatakot niya na masisira 'yung pamilya natin 'pag nagsumbong ka at wala namang maniniwalang tao sa'yo," sabi ni Police Captain Christian Reyes, Deputy, Sta. Maria Police.

"Tinatakot ko lang, sir. Pero hindi ko naman totally inano, sir... Hinipuan ko lang po 'yun, sir. Sa sobrang kalasingan siguro," depensa naman ng suspek.

Pinagsisisihan daw ng suspek ang ginawa niya sa anak.

Mahaharap siya sa mga reklamong rape at child abuse, samantalang sasailalim sa counseling ng DSWD ang biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News