Matapos ang insidente ng panghahalay ng isang tricycle driver sa isang Irish tourist sa El Nido, Palawan noong Pebrero, dalawang dayuhang turista naman ang nakaligtas sa magkahiwalay na insidente ng tangkang panggagahasa sa naturang sikat na tourist destination sa Pilipinas.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing isang British national ang naglalakad sa eskinita nang bigla siyang sunggaban ng isang lalaki.
Pero nagpumiglas umano ang biktima hanggang sa makakawala sa suspek at nakatakbo.
Inaalam na umano ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek.
Sa hiwalay na insidente, isang Spanish national ang tinangka rin daw abusuhin ng isang lalaki.
Nadakip ang suspek pero hindi nagbigay ng pahayag.
Matatandaan na nahatulang guilty sa kasong rape ang isang tricycle driver dahil sa panghahalay sa isang Irish national noong Pebrero.
READ: Turistang Irish sa Palawan, ginahasa umano ng naghatid sa kaniyang trike driver
Samantala, isang 86-anyos na Lebanese naman ang inaresto matapos na ireklamo ng pangmomolestiya sa tatlong babaeng menor de edad sa Bohol.
Itinanggi ng suspek ang alegasyon laban sa kaniya nang arestuhin siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation.
Sa kuha ng CCTV, makikita na inihatid ng driver ang mga bata sa kuwarto ng Lebanese, kung saan nangyari umano ang pangmomolestiya.
Itinanggi ng driver ang paratang laban sa kaniya at iginiit na inihatid lamang niya ang mga biktima at hindi niya ibinugaw.
Inilahad ng magulang ng mga bata na ipinagkatiwala nila ang mga anak sa driver dahil sa pangako na magbibigay daw ng tulong ang Lebanese sa mga bata.
Pagkauwi ng mga bata, dito na sila nagsumbong sa mga magulang, na mga dumulog sa NBI.
"Since our province is a tourist destination, one of the tourist spots in the country, the parents should be vigilant in protecting their children because they are prone to these kinds of crimes," sabi ni Atty. Rennan Augustus Oliva, head, NBI-Bohol -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
