Palo sa ulo, at bugbog ang inabot umano ng isang apat na taong gulang na lalaki mula sa kamay ng kaniyang amain sa Bugallon, Pangasinan. Ang biktima, binawian ng buhay.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nangyari ang kalupitan sa biktimang si Erven Piad noong hapon ng Huwebes sa kanila mismong bahay.

Kuwento ng ina ni Erven na si Angela, magkatabi umano sa kama dakong 4:00 p.m. ang anak niyang biktima at kaniyang live-in partner na si Jessie Garbo.

"Pinapatulog niya po yung anak ko, hindi po natulog yung anak ko. Tapos nung hindi natulog, kinuha niya po yung walis-tambo, pinalo niya po sa ulo," anang ginang.

Dumugo umano ang ulo ng bata dahil sa tinamong sugat mula sa pagkakapalo ng walis-tambo.

Matapos niyang punasan ang sugat, sinubukan daw ni Angela na pakainin ang anak pero nagalit umano si Garbo at pinabalik sa tabi niya para magpakamot ng tiyan.

Nang humihiga na ang bata at nahihirapang huminga, inutasan daw ng suspek ang biktima na itulak pa ang duyan ng isang kapatid.

Pero nang humiga ang batang biktima, sinuntok at sinipa pa raw ito ng suspek hanggang sa tuluyan nang hindi gumalaw.

Doon pa lang nila naisipan na itinakbo sa ospital ang bata pero binawian na ng buhay.

Pinaghahanap na ngayon ang suspek na tumakas matapos ang insidente. -- FRJ, GMA News