Arestado ang isang lalaking pulis na nagnakaw umano ng pera mula sa female quarters ng Police Regional Office 11 Regional Training Center sa Mintal, Davao City.
Ayon sa ulat ni Real Soroche sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, nahaharap sa kasong theft si Police Corporal John Francis Casicnan na nakadestino sa Mati City Police Office sa Davao Oriental.
"Ayon sa ating complainant, pumasok ito sa loob ng barracks ng mga babae sa police training tapos pinakialaman niya siguro ang mga gamit doon, nakuha sa bulsa niya ang pera," sabi ni Police Major Ricky Obenza, hepe ng Tugbok police.
Giit naman ng suspek: "Hindi ako naaktuhang kumukuha ng pera."
"Nakita lang nila ako na may hawak na pera. Sa sobrang taranta ko, itinago ko ang pera. Tinanong nila ako kung may kinuha akong pera, sabi ko, 'Wala.' Pero noong tinanong nila ako ulit kung ako ba ang kumuha ng pera, inamin ko na lang sa sobrang takot ko," dagdag nito.
Bukod sa kasong pagnanakaw, mahaharap din daw si Casicnan sa kasong paglabag sa gun ban ng Commission on Election (Comelec). Nagdala raw ito noon ang kanyang service firearm habang naka-sibilyan. —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News
