Kalunos-lunos ang nangyari sa isang babae sa Cebu City dahil binali ang kanyang leeg, hinampas ang ulo sa semento at sinabuyan pa siya ng sabaw ng kanyang kinakasama, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Saksi.
Biyernes ng gabi habang nagluluto si Raul Quecho ay nagkabangayan sila ng kinakasama nitong si Maria Theresa Omagac, 43, hanggang humantong ito sa sakitan.
Makalipas ang dalawang araw, nakita si Omagac ng kanyang mga anak na hindi gumagalaw, kaya isinugod siya sa ospital pero idineklarang patay na.
Naaresto ang suspek, si Quecho, matapos isumbong ng sariling anak sa pulisya. Nakatakda siyang sampahan ng reklamong murder.
Bagama't nangangamba sa kahihinatnan nila sa pagkakakulong ng kanilang padre de pamilya, hiling pa rin ng mga naulilang anak ang hustisya para sa kanilang ina. — BAP, GMA News
