Patay ang isang 21-anyos na babaeng nagbibisikleta matapos siyang mabangga at magulungan ng isang truck sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Miyerkules.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Keziah Grace Asuncion.
Sumuko naman sa mga awtoridad and driver ng truck na si Kevin Mhar Ancheta.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na may iniwasang nakaparadang sasakyan ang biktima nang mabangga siya ng truck at nagulungan ang kaniyang ulo.
Humihingi ng patawad si Ancheta sa pamilya ni Asuncion at iginiit na aksidente ang nangyari dahil pagewang-gewang din umano ang bisikleta ng biktima.
Nakahanda umano siyang makipag-areglo sa pamilya ng biktima.
Hihintayin naman ng pulisya ang desisyon ng pamilya kung magsasampa ng kaso laban sa driver.-- FRJ, GMA News
