Nahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeepney sa Libon, Albay na nagresulta sa pagkakasawi ng anim na pasahero at pagkakasugat ng 18 iba pa.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing nangyari umano ang insidente dakong 1:00 p.m. sa Sitio Hulandig sa Barangay San Jose.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nawalan ng preno ang jeep sa pakurbang bahagi ng kalsada na dahilan para mawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver at tuluyang mahulog sa bangin.

Hinahanap pa ang driver ng jeep habang dinala naman sa ospital ang mga sugatan.-- FRJ, GMA News