Patay ang isang mangingisda sa karagatan ng Leyte nang tamaan ng kidlat habang naghuhulog ng lambat sa dagat noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Diosdado Sabenorio, 58, na taga-Basey, Samar.

Nasa laot sina Diosdado, ang kaniyang 15-anyos na anak na si Christian, at ang kapatid ng biktima na si Lando.

Hindi pa umano natapos ang paghuhulog ng lambat sa dagat nina Diosdado at Lando habang nasa isang dulo ng bangka nang biglang kumidlat sa gitna ng makas ng ulan at matamaan ang biktima at mapadapa.

Kitang-kita umano ni Christian ang nangyari habang nandoon siya sa isang dulo ng bangka at nagtitimon.

Wala nang malay ang biktima nang makarating ang kanilang bangka, na nasiraan din ng makina sa gitna ng ulan, sa pampang ng Babatngon, Leyte.

Photo courtesy: Babatngon PNP Alberca

 

Pahayag ng Babatngon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer na si  Nelia Barredo, mga alas-10 ng gabi nang makadaong ang bangka sa seawall ng Babatngon at agad na tinawag niya ang Rural Health Physician na si Dr. Julieta Conge.

Ngunit, ideneklarang patay na si Disodado na panahong iyon.

Pakiusap ng MDRRMO sa mga may bangkang  mangingisda na maglagay ng lightning system device upang maiwasan ang ganitong pangyayari. —LBG, GMA News