Kahit hirap sa buhay, isang binatilyong bangkero sa General Santos City ang determinadong makapagtapos ng pag-aaral.

Bagama't nakapag-enroll na si Lito Baguio Jr., nangangailangan pa rin siya ng mga gamit pang-eskwela, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

"Ganito parati ang kalagayan namin, tapos si Lito nagpapasahero din 'yan, nag-aaral siya nang ganito ang pamumuhay," ani Rowena Baguio, ina ni Lito.

Kasama ang ama, araw-araw tumatawid ng dagat si Lito para maghatid ng mga pasahero.

Kahit 13 taon na, nag-enroll bilang Grade 4 si Lito sa Romana Acharon Elementary School.

Ayon kay Marinel Elardo, tiyahin ni Lito, sadyang masipag at determinado ang kanyang pamangkin.

"Ayaw niyang huminto [sa pag-aaral] kahit hirap sila," aniya. "Minsan naglalakad lang siya kung walang pera."

Isang linggo bago ang pasukan, wala pang gamit pang-eskwela si Lito, dahilan para doblehin niya ang sipag sa pagbabangkero.

"Magsisikap ako para makabili kami ng gamit ni Papa," sabi ni Lito.

Nananawagan naman ng tulong sa publiko ang kanyang tiyahing si Marinel.

"Sana may makatulong sa kanila, yung may mabuting kalooban. Sana makatulong sila sa pamangkin ko sa pag-aaral," aniya. —KBK, GMA News