Patay ang dalawang umano'y magnanakaw ng tricycle sa Talavera, Nueva Ecija matapos maka-engkwentro ng mga pulis.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, tinutukan ng baril, pinababa, at tinangayan din ng bag ang pasahero ng naturang ninakaw na tricycle.

Dumulog sa pulis ang mga biktima para isumbong ang insidente at sa pagsasagawa ng operasyon ay nadaanan ng mga operatiba ang ninakaw na tricycle.

Nagpaputok daw ang isa sa mga suspek habang may dala namang granada ang isa pa kaya gumanti rin umano ng putok ang mga pulis.

Namatay ang dalawang suspek pero isang kasabwat pa umano nila ang nakatakas, ayon sa mga awtoridad.

Patuloy ang pagtugis sa kaniya ng mga awtoridad. —Dona Magsino/LBG, GMA News