Nagdadalamhati na, problemado pa ang isang ginang sa Camarines Norte kung papaano maipapalibing ang kaniyang anak at kapatid na nasawi matapos tamaan ng kidlat habang naglalaro ng mobile game.

Sa kanilang tahanan sa Patag Ilaya, Sta. Elena, Camarines Norte, nakaburol ang mga labi ng biktimang sina Jericho Compra Lora, at  Jimboy Magsino Lora, pawang 18-anyos.

Wala nang nagawa si Evelyn kung hindi yakapin ang kabaong ng kaniyang anak na si Jerico, na pangarap daw na maiahon sila sa kahirapan.

Inilarawan din niya na kapwa mabait na mga bata ang kaniyang anak at kapatid.

Una rito, sinabi ng Sta. Elena Municipal Police Station, nagpaalam ang dalawa nitong Sabado sa kanilang kaanak na lalabas ng bahay at maghahanap ng malakas na signal ng internet upang makapaglaro ng online game.

Pumuwesto raw ang dalawa malapit sa isang puno sa mataas na bahagi ng barangay.

Maaraw naman daw ng mga oras na iyon subalit bahagyang dumilim ang kalangitan at doon na nagkaroon ng malakas na kulog kasabay ang kidlat.

Doon na nakita ang katawan ng dalawang biktima na wala nang buhay.

Sunog ang mga katawan ng biktima at nagkahiwa-hiwalay ang kanilang cellphone.

Kapos naman sa pinansiyal si Evelyn na namamasukan lang na kasambahay sa Maynila kaya pinoproblema nila ang pagpapalibing sa kaniyang anak at kapatid.

Inihayag naman ng mga opisyal ng barangay na gumagawa rin sila ng paraan upang makalikom ng pera para sa pagpapalibing sa dalawang nasawi.

Nanawagan din ang punong-barangay sa kanilang mga kababayan na iwasan ang paggamit ng cellphone kapag may kidlat upang iwasan ang katulad na insidente.-- Peewee Bacuño/FRJ, GMA News