Pumanaw na ang lalaking Grade 7 student na dalawang beses binaril sa ulo habang nasa loob ng silid-aralan ng isang eskwelahan sa Calamba, Laguna nitong Huwebes ng tanghali.  Ang suspek, isang lalaki na hinihinalang karelasyon ng biktima.

Sa panayam ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes ng hapon, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jacinto Malinao Jr, hepe ng Calamba Police, na binaril sa likod ng ulo ang biktimang si Mark Anthony Miranda, 15-anyos.

Nangyari ang pamamaril dakong 12:30 p.m. sa Castor Alviar National High School.

Binawain ng buhay ang biktima habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

 

 

Kinilala naman ang suspek na si Renz Ivan Valderrama, na isa umanong security guard sa isang resort.

Hinihinala ng mga imbestigador na posibleng ang service firearm nito na kalibre .38 baril ang ginamit sa krimen.

Batay umano sa paunang pagsisisayat ng mga awtoridad, napag-alaman nila na magkasama sa tirahan ang suspek at biktima.

Inaalam ng mga awtoridad kung selos ang ugat ng krimen at pinaghinalaan ng suspek na may girlfriend ang biktima.

Wala na umanong magulang na nag-aaruga sa biktima at nakikitira siya sa suspek.

Patuloy na tinutugis ang suspek na itinuturing umano ng mga pulis na armado at mapanganib.

Samantalam makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa pamunuan ng mga paaralan upang higpitan ang kanilang seguridad matapos makapagpasok ng baril sa loob ng paaralan si Valderrama. --FRJ, GMA News