Noong nakaraang buwan, may mga social media post ang suspek sa pagpatay sa Grade 7 student na naglalahad ng malalim na sama ng loob sa binatilyo, ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras.

Nitong July, nagsampa ng reklamong sexual abuse si Mark Anthony Miranda laban sa gwardiyang si Renan Estrope Valderama dahil umano sa pang-aabuso sekswal sa kanya mula Marso hanggang Hunyo ngayong taon.

Si Valderama ang pinaghihinalaang bumaril kay Miranda, 15, sa loob ng pinapasukang paaralan sa bayan ng Calamba, Laguna.

Nagkakilala raw ang dalawa sa isang social event ngayong taon, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Patuloy pa rin na hinahanap ng awtoridad si Valderama.

Noong November 2017, nakulong si Valderama sa pakikipagsabwatan para nakawan ang supermarket na kanyang binabantayan.

"Gumagamit siya ng at least four addresses and four names, binabaligtad-baligtad -- Reynaldo, Reynando, Rey.  Innate na sa kanya yung all attempts to cover his tracks.  Nandun na sa kanya yung tendency of a criminal mind," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jacinto Malinao, Calamba police chief.

Tinitingnan ng mga pulis kung bakit kinuha pa rin ng security agency ang gwardya sa kabila ng kanyang record. 

Ayon sa pamahalaan ng Calamba, inaalam na nila kung ano ang maaaring naging pagkukulang kung bakit naisagawa ang pamamaril sa loob ng eskwelahan.

"Meron kaming security guard dyan, but the problem is, isa lang.  I'm thinking of putting an ID system, wherein people who go in and out of the schools should be recorded, so isa yun.  If you have no business in the school, you can't enter," ayon kay Calamba City Mayor Timmy Chipeco.

Apela ni Chipeco kay Valderama ay sumuko na ito.

"Ginusto mo ito, sumuko ka na, kaysa may mangyari pa sa yong masama, kaya wag mo ng hintayin yun at baka hindi mo alam kung sinong makikita mo, winawarningan na kita," ayon kay Chipeco.

Sa burol ni Miranda, di mapigilang maluha ng mga kaanak at kaibigan dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng binatilyo.

"Sobrang bait po niya, gentleman.  Di po namin matanggap na ganito ang nangyari sa kanya," ayon sa isang kaibigan. —LDF, GMA News