Dalawang lalaking batang magkapatid ang nalunod sa isang ilog sa Obando, Bulacan.
Nakilala ang mga biktima na sina Russel Bornales, 8, at James Andrew Bornales, 6, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Paco, magkakasamang naligo sa ilog ang mga biktima pati na ang nakababatang kapatid nilang apat na taong gulang.
Nauna raw lumusong sa ilog sina Russel at James Andrew.
Susunod na raw sana ang bunso ngunit napansin nito na hindi umahon ang kanyang mga kuya.
Doon na raw natakot ang bata kaya humingi na siya ng tulong.
Agad namang may sumaklolo pero huli na ang lahat pagdating nila.
Napag-alaman ng mga sumaklolo na walang nagbabantay sa mga bata noong oras na 'yon.
Ayon sa ina ng mga bata na si Jennelyn Bornales, iniwan niya ang mga anak niya sa katrabaho dahil kailangan niyang kunin ang kanyang mga paninda. Ang kanyang asawa naman ay may trabaho daw noon.
Sabi naman ni Manny San Diego, kapitan ng Barangay Paco, dati nang may kaso sa Department of Social Welfare and Development ang mag-asawa dahil sa umano'y kapabayaan sa mga anak.
Labis naman ang pagsisisi ng mag-asawa sa pangyayari at nangakong hindi na nila pababayaan ang nag-iisa na lang nilang anak. —KG, GMA News
