Patay ang isang magsasaka sa Ilocos Norte matapos tuhugin ang mukha ng bareta ng kapwa niya magsasaka nang dahil sa agawan sa damo na pampakain sa mga alagang hayop.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes ng umaga, kinilala ang biktima na si Orlando Felix na halos madurog umano ang mukha matapos tuhugin ng bareta.

Kinilala naman ang suspek na si Romulo Pascual.

Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang krimen sa bayan ng Laoag, at sinabing si Felix at si Pascual ay magkakapitbahay na dati nang may-alitan dahil sa agawan sa mga damong ipakakain sa kani-kanilang mga alagang hayop.

Nangyari umano ang insidente nang magkasagutan ang dalawa.

"Ang ginamit ng suspek ay bareta …," pahayag ni Juanito Andres, barangay chairman.

Narekober sa crime scene ang baretang ginamit sa krimen.

Tinutugis ng mga pulis si Pascual. —LBG, GMA News