Lumutang sa Caliraya Lake noong Biyernes ang bankay ng isang engineer na nawawala simula noong nakaraang Martes, ika-9 ng Hulyo.
Batay sa report ng Cavinti police, natagpuan ng dalawang trabahador ang bangkay na nakalutang sa tubig malapit sa kanilang ginagawang golf course sa isang resort sa Barangay East Talaongan dakong alas-dos ng hapon.
Positibong kinilala ang mga katrabaho ang bangkay na sa nawawalang engineer na si Jebbie Fuentes Beatriz, 38 anyos, residente ng Evergreen, Las Pinas City, at in-charge sa ongoing construction project ng DB-Israel Engineering Services sa isang resort.
Nakabalot sa kumot ang katawan ng biktima at may nakakabit na sako na may lamang nasa limang kilong bato sa tagiliran nito na hinihinalang ginawang pangbigat para hindi lumutang ang bangkay at maitago ang krimen.
Nakita rin sa loob ng sako ang ilang personal na gamit ng biktima at ang dalawang duguang unan, tuwalya, T-shirt, at isang martilyo.
Ayon kay Cavinti police chief, Police Captain Abelardo Jarabejo III, posibleng pinatay ang biktima at pinalo ng martilyo habang natutulog sa kanyang barracks dahil sa nakitang dalawang tama ng matigas na bagay sa ulo nito.
Ang pagkawala ng biktima ay unang inereport sa pulis noong Biyernes ng umaga ng kasamahan nito sa trabaho na huling nakasama umano ng biktima bago ito nawala noong araw ng Martes, July 9.
Ayon sa katrabaho ng biktima, magkainuman sila noong gabi ng Lunes ng huli umano niyang nakita ang biktima dakong alas-onse ng gabi sa harap ng kanilang barracks.
Napansin ng katrabaho na may kausap si Beatriz na babae sa kanyang cellphone.
Dagdag naman ni Capt. Jarabejo, sa ngayon ay naka tutok na ang kanilang imbestigasyon sa isang person of interest na ayaw muna nila pangalan. —LBG/MDM/DVM, GMA News
