Patay ang magkapatid na babae at kaibigan nilang lalaki matapos silang barilin at pagsasaksakin sa tinutuluyan nilang boarding house sa Davao City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, selos.

Sa ulat ni Vonne Aquino ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Jessa May Abitona, bunso niyang kapatid na si Jesybell, at ang kaibigan nilang nakitulog na si Caryl Jiff Salianon.

Nangyari ang malagim na krimen sa Barangay Matina Crossing sa Davao City, kung saan nakita ring sugatan ang suspek na si Daryl Aguilar, na karelasyon umano ni Jessa May.

Nagtangka si Aguilar na magpakamatay matapos gawin ang krimen.

Bukod sa tama ng bala, nagtamo rin umano ang mga biktima ng hindi bababa sa tig-sampung saksak sa katawan.

Ayon sa boardmate ng mga biktima, dakong madaling araw nitong Miyerkules nang sandali siyang makarinig ng kalabog mula sa kuwarto ng mga nasawi pero hindi nila napasok dahil nakakandado.

Makalipas ang ilang oras, humingi raw ng tulong si Aguilar at inamin ang ginawa niyang krimen.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na lasing si Aguilar at unang pagkakataon umano na nakitulog sa boarding house.

Hinihinalang matinding selos ang nagtulak kay Aguilar para patayin ang mga biktima dahil pinagdududahan umano nito ang katapatan sa kaniya ni Jessa May.

Nakuha sa crime scene ang baril at kutsilyo na ginamit sa krimen.

Wala namang pahayag ang suspek na nagpapagaling sa ospital. --FRJ, GMA News