Isang lalaki na armado umano ng baril ang nahuli-cam na nangharang ng sasakyan at kinalaunan ay "nakasagupa" ng mga pulis sa Cebu. Pero reklamo ng mga kaanak ng lalaki, may sakit daw ito sa pag-iisip at laruang baril lang ang dala.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV sa barangay Lorega San Miguel sa Cebu City ang bilang pagsulpot ng isang lalaki sa kalsada na armado ng "baril" at tinutukan ang isang puting SUV.
Pero tumakbo rin palayo ang lalaki nang makita ang mga pulis na nasa kalapit na checkpoint at humabol sa kaniya.
Sa iba pang kuha ng CCTV sa lugar, nahagip muli ang lalaki, na nakilala kinalaunan na si Roger Almodel, na sumulpot sa isang lugar na maraming tao at may kahalong pulis.
Sa isang pagkakataon, nahawakan ng isang pulis si Almodel, pero nakapiglas at nanutok ng dala niyang baril bago muling tumakbo.
"Lumapit sa likod ko tapos tinutok niya, sabi niya 'bang! bang! Nagkagulo, nagtakbuhan lahat," ayon sa isang testigo.
Nang masukol na ng mga pulis si Almodel, doon na nagkaroon ng sunod-sunod na putok ng baril.
Ayon sa pulisya, kilala raw na trouble maker sa lugar si Almodel at sangkot daw sa droga.
Pero itinanggi ito ng mga kaanak ni Almodel at iginiit na may sakit ito sa pag-iisip at laruan lang ang dalang baril.
Idinagdag nila na walang rekord ng pagnanakaw sa barangay si Almodel.
Sa kabila nito, nanindigan ang mga awtoridad na isang kalibre 45 na baril ang nakuha kay Almodel, na may tatlong bala. Pero wala raw nakitang basyo ng bala sa crime scene. --FRJ, GMA News
